ni Liu Heng
Isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra
Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon.
Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na
ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit
ng kamera. Sinabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit
nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk.
“Kinse?”
“Kinse nga.”
“Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”
“Gusto ko sabi ng kinse!”
May pagkainis na sa kanyang boses at
iyon lamang ang magagawa niya para mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang
iyon. Nag-order siya ng kinse para hindi na siya bumalik pa sa susunod at
ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang ganito.
Nang bumalik siya para kunin ang
litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya ang mga abo ng kanyang ina sa
crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo dala ang balutang papel nang
hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya
ang laman . Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay
nakatitig sa kanya nang may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang
kinalabasan kaysa kanyang inaasahan. Parang mas manipis ang kaniyang labi
dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa
katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao. Wala siyang reklamo.
Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa
kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao
hanggang sa isang may katandaang opisyal ang nagbigay rin sa kanya ng lisensya
para sa kariton. Hindi naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya sa
pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay
hindi makatulong o ayaw nang tumulong. Mayroon na lamang lisensya para sa
tindahan ng damit, sombrero at sapatos. Wala nang
pakialam si Huiquan kung anuman ang
maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon siyang magawa. Nabalitaan niyang mas
madali ang pagtitinda ng prutas, mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa
damit, at mas mababa pa ang tubo. Nabalitaan din niyang kailangan niya ng
maayos na tindahan o koneksiyong blackmarket para talaga mapatakbo ito. Ngunit
handa siyang sumubok. Kailangang
palakasin niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat.
Kahit maliit ang kikitain niya, hindi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya
bilang ulila, hindi ba? Bahala na.
nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga
nila ang isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya
Luo kay Huiquan na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya si Huiquan kung hepe ito
ng ano at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo
wrestler ng Hapon.
“Hindi ka ba magpapasalamat kay Tiyo
Li sa lahat ng tulong niya?”
Magalang na yumuko si Huiquan, isang
ugaling natutunan niya sa kampo.Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng
guwardya, inspektor, at tagamasid na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man
lang sa kanila- iyon ang pagsasanay. Ginagawa na niya iyon dahil nakasanayan
na. Ngunit halos di siya napansin ng mama -- tila ito isang lalaking tumitingin
ng kung anong paninda.
Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang
basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang butas. “Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay
Tiya Luo.
“Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko.
Tingnan mo’t namumula na siya.”
Napatawa ang mama habang itinuon ang
tingin kay Huiquan.
“Alam mo ba kung paano ka nakakuha
ng lisensya gayong maraming retirado at walang trabaho ang di-makakuha?”
“Dahil … dahil kailangan ko ng
trabaho?”
“Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi
ng mataba.
“Dahil isa akong ulila?”
“Kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak
kong alam mo iyan. Huwag kang manggugulo at huwag kang sakim… nagkamali ka na.
Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.”
“Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng
pamahalaan.”
Isa na naman sa maraming islogan sa
kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang isip at damdamin kahit pinalaya na siya
sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay tumangu-tango. Saan man siya magpunta, laging
may nagsasabi sa kaniya kung ano ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa
kanya nang mababa, umaangat ang kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan.
Sila ay hindi at nararamdaman niya na ang mga babala, panlalait, at paalala ay
para lang sa kaniya; gamitin ang ihian, walang dudura, bawal pumasok,
limang yuan na multa - lahat ay patungkol sa kaniya at tanging sa kanya lamang.
Habampanahon na may magpapahirap sa kaniyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya
at ng ibang tao, hihila sa kanya paibaba. Gusto niyang lumaban, pero wala
siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at
nagmamatyag, Maraming taon na
naman niyang ginagawa ito.
Masayang naglakad si Tiya Luo,
di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang nakasunod ito na parang
bilanggo.
“Halos Bagong Taon na. Pwede kang
manatili ngayong bagong taon sa amin.”
“Salamat, pero maayos na po ako…”
“Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina
mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan niya -- negosyante na ang anak ko;
maganda ang kinabukasan niya; hindi na siya katulad nang dati. Gusto kong
pasalamatan mo ang nanay mo.”
“Sige po.”
“Bahala ka kung gusto mong mag-isa
ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin na pwede kang uminom.”
“Huwag kayong mag-alala.”
“Hindi na maaga para mamili para sa
Bagong Taon. Isda, manok – kung ano-ano pa. Kung hindi ka marunong magluto,
pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat lang na maayos ang Bagong Taon mo.
Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at hahanapan kita ng nobya. Ano sa
palagay mo, bata?”
“Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya
ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy at canvass na ambi ay aabot ng sandaan
o mahigit pa; kung may tatlong gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala
nang matitira para sa paninda. Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang
humugot sa naipon ng kaniyang ina. Kinabahan siya dahil wala na itong atrasan.
Isa o dalawang araw bago ang Bagong
Taon, nakakita siya ng kakarag-karag at lumang tatluhang gulong na sasaksyan sa
East Tsina Gate Consignment Store na 230 yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero
napakasama ng kondisyon at di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas- kahit
paano’y napanatili ang hugis; walang gulong, pero mapakikinabangan pa rin ang
gilid at rayos ng gulong; walang kuliling , walang kadena, at walang tapakan, ngunit
may preno at pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya sa lahat ng
anggulo. Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay
nagsisimula sa apat na raan, wala naming ipinagbibiling umaandar pang segunda
mano. Sa isang groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na
mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng
damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong – para naman presentable.
“Gusto mo nito? Para saan?”
Lumapit ang klerk sa kaniya.
“Kariton para sa mga damit.”
“Tamang-tama. Hindi ka magsisisi.
Kung poste ng telepono, o kongkreto. O iba pang katulad, hindi ko ‘to
irerekomenda. Pero para lamang pala sa ilang tumpok ng damit. Di ka gagastos ng
higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at pwedeng tumagal pa ng lima, anim na
taon.”
“Bakit di-gumagalaw?”
“Matigas ang preno. Aayusin ko.”
Ibinigay ni Huiquan ang pera, at
kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula East Tsina Gate patungong Dongsi,
at mula roon, papuntang Chaoyong Gate. Dahil sa kanyang natatanging sasakyan,
naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga
tingin sa kanya. Matapos bumili ng ilang parte sa pagawaan ng bisikleta sa
labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong
East Lane ng Kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18. Ang berdeng
bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng
tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng
manok at isang bote ng alak – hapunan para sa Bagong Taon. Binili niya at
madaling nakuha dahil ayaw na ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang
hinahanap para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kaniyang sasakyan,
ang kanyang bagong kaibigan, ang kaniyang tahimik na kasama.
siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng
Bagong Taon. Dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa
kaniyang bibig ang isang pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naamoy ang
Tiya at inangat nito ang takip ng palayok. Pinalalambot ang paa ng manok sa
kumukulong sabaw. Walang makikitang berde – hindi balanseng pagkain. Sira na
ang manggas ng kaniyang panlamig; puno ng kusot ang kaniyang sapatos at
laylayan ng pantalon; marumi at mahaba ang kaniyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa
kaniya, ngunit tumanggi pa rin si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na
iniwan ni Hobo, desididong gumawa ng magandang patungan para sa kaniyang
sasakyan.
Bumalik si Tiya Luo para imbitahan
siyang manood ng TV – nakatatawang palabas at iba pang kawili-wiling programa.
Hindi dapat palampasin. Ngunit umiling siya, hindi man lang tuminag sa kaniyang
paglalagare.
“Marami pa po akong gagawin.”
“Hindi makapaghihintay kahit
pagkatapos ng Bagong Taon.”
“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo
ako...”
“Marami namang panahon. Huwag mong
tapusin agad lahat. Di ka dapat magpagod, Bagong Taon pa naman.”
Sa umpisa, panaka-naka ang mga
paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog
na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang lagare at nagsalin ng alak. Matagal na
pinalambutan ang paa ng manok kaya halos matanggal na sa buto ang mga laman
nito. Tama naman ang pagkaluto, medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng
kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang laman dito, at kumain at uminom
siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa. Maaaninag sa kaniyang bintana sa
kaniyang likod ang pula at berdeng ilaw paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan
ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa kanilang buhay. Ano ang balak ng
milyong taong ito ? Ano ang ipinagsasaya nila?
Siguradong hindi siya kabilang sa
kanila. Kung buhay si Ina, panahon iyon ng pagbabalot ng dumpling, iyong
maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang kendi. Gustung-gusto niya
iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim ang nakain niya sa
isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya halos makaupo,
at ginugol niya ang buong hapon sa paglalakad sa laruan. Gayunman, kahit ang
alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kaniya. Malagkit ang mga kamay niya
dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo
na siya dahil sa alak.
Lumabas siya at tumayo sandali sa
bakuran. Walang lamig, walang hangin. Makulay ang langit; maraming paputok sa
lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit sa pito o walong talampakan ang
luwang, ay tulad ng balon sa ilalim ng kumikinang na bughaw na langit. Isang
stereo ang bumubuga ng awit, iyong tunog na di-maintindihan. Naiisip niyang
mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa TV –
magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang hitsura nila. Kumikisay sila sa
iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang kapangitan at ang
mga awit nila ay ginagawang mga sigaw at halinghing. Magagandang babae lamang dapat
ang ipinakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman
lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isip niya ang imahen ng
magagandang dalaga. Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang
mga ito sa kanyang utak – malalabong imahen na ang intensyon ay malinaw at
tiyak. May mga panahon, natatanging panahon, kung kailan pinapangarap niyang
mapasasayaw niya sa kaniyang isip ang mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o
sa mundo ng ilusyon ay hindi niya mapasunod ang mga ito. Walang magawa,
napilitan siyang tanggapin ang kaniyang kahinaan.
Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa
malalaswang dingding -- dingding ng banyo na ang mga sugat ay hindi mabura,
ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang
isip at dumi ay kakatuwang napapagsama nang maayos doon, pinupuwersa siyang
harapin ang maruming katawan na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng
Bagong Taon, idinagdag niya ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa
maruruming dingding. Hindi pala ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya
siya naririmarim.
Sa sarili niyang paraan, inalagaan
niya ang kaniyang sarili. Magulo, siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon,
lihim, ligtas, at di-komplikado. Mas maraming mapagtataguan sa kampo kaysa kaya
nilang bilangin – taniman, maisan, daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na
bukid – na ang tanging nagmamasid sa kaniya ay ang langit sa itaas at ang lupa
sa ibaba. Nang naroon na siya, wala na siyang pagtingin kay Xiaofen, kaya wala nang
direksyon ang kaniyang pagkahumaling.
Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan
siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan ito.
Pagod na siya. Paubos na ang mga
pagputok. Ang madalang nang pagputok ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno
na ang mg tao ng kasiyahan, pagkain, at laro, at oras ba para matulog ang
lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang kasama, at pakiramdam niya’y
nawawala siya. Labas sa kaniyang mga pantasya, wala siyang makitang babae na
karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.
Si Luo Xiaofen, wala na sa kanyang
isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon. Hindi pa niya nakikita ito simula nang
lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa Harbin kasama ng kaniyang nobyo, isang
assistant sa kolehiyong normal, at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si
Luo – isang tambalang itinadhana ng langit. Ibinalita ni Tiya Luo, masaya at
nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo.
Si Luo Xiaofen – kababata ni
Hiuquan, sabay silang nagelementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala
na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo, samantalang siya, nasa kalyeng
Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito
ang tadhana.Hinahamak siyang lagi ng tadhana.
Sa unang araw ng bagong taon,
pinagkaabalahan niya ang kaniyang sasakyan, sa ikalawang araw, inilabas iyon
para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang ginawa niya. Nagbisekleta
siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa
ikalima pa ang takdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkaisahan siya. Walang
magagawa hanggang sa araw na ito.
Matapos sumulat sa Instruktor
Politikal Xue at ipadala ang liham, dumaan si Huiquan sa isang tindahan ng
libro at bumili ng mga kopya ng “Mga Multo sa Isang Lumang Sementeryo at Mga
Babaeng Ahas”. Pagbalik sa bahay, humilata siya’t nagbasa habang
kinaing-isa-isa ang saging. Nitong mga nagdaang araw, nakaubos siya ng isang
piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta sa inodoro
buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya makaalala ng istorya.
Kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang
pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang
mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa. Itinuturing na niyang mga gago
ang mga awtor. Nakababato. Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya ? Ano
ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga? Parehong pangit; parehong
patagu-tago.
Ibinigay kay Huiquan ang pwesto sa
may daanan sa timog ng Silangang tulay. Dito ang mga numero ay nakapinta nang
puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang hanay ng tigdadalawang
kwadrado-yardang pwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay hindi. Matapos niyang
ayusin ang kaniyang tindahan, tinakpan niya iyon ng ambi at inayos ang kaniyang
sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang kaliwa niya ay ang
daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong hilaga-timog.
Nasa tapat mismo ng paradahan para sa Eastbridge Department Store. Nasa gilid
siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.
Wala isa man lang na tumingin sa
kaniyang paninda. Pagod pa sa nagdaang okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o
bugnutin. Ang kaniyang designasyong ay Timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya
ang ika-25 tindero ng damit sa isang mahabang yardang lugar. Ang mga tindahan
ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng kalye, na may di kulang sa anim na
nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang matatandang naglalako ng malamig na
dalandan at halos bulok nang saging.
Napuno ng kulay berde sa kaniyang
tindahan – isang bunton ng walong kulay-olibang kasuotang pang-army. Isinampay
niya ang ilan, inilatag ang iba, at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang
lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at
sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga
angora, madaling naubos ang dalawampung piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para
sa iba pang paninda. Ang pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng
apat na yuan at ang huli, sais-beinte. Walang kinailangang magturo sa kaniya.
Natuto siya nang iabot sa kaniya ng unang kostumer ang pera ; huwag kang
matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang. Sumigla siya, sa
kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, at napanatag siya. Sa wakas, isang
bagay itong may kontrol siya.
Gusto sana niyang magtago ng isang
gora para sa sarili. Para itong Ku Klux Klan na talukbong – mga mata lamang ang
makikita – at iyon ang kailangan ng nagtitinda. Pakiramdam ni Huiquan ay
makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan
na nakatayo sa harap ng Eastbridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng
hangin, ilang oras na walang imik, walang kibot. May mga kostumer siya – hindi
marami, kaunti – ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam
niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.
“Sapatos na tatak-Perfection mula sa
Shenzhen free economic zone. Sapatos, tatak-perfection, gawa sa Shenzen…”
Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw
niyang ito. Narinig na niya ang ganitong pagtawag sa Gate ng Silangang Tsina at
sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa
isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa
sarili.
“Mga blusang Batwing! Halikayo rito
! Tingnan ninyo !”
Sa pagkakataong ito, napakasama ng
tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan pang segundo, nasanay na ang mga
mamimili sa kaniyang kakaibang sigaw. Maipagkakamaling galing sa aso o sa
kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.
“Mga blusang Batwing! Seksi, seksi,
seksi, mga babae!”
Kung makasisigaw lang talaga siya ng
kung anong malaswa para mapansin. Buong araw, binantayan niya ang kaniyang
tindahan, mula umaga hanggang oras ng hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa
man lang panlamig na angora o isang pares ng sapatos kaya -- wala maliban sa
dalawampung angora. Kahit iyon lang, ang may katandaang babae sa kaniyang kanan
ay naiingit, dahil gayong mas matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay
pares ng medyas at dalawang panyo.
Ang tindahan sa kaliwa ay
binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang
kostumer dahil sa isang jaket na balat. Ang sabi ng kostumer, iyon ay
imitasyon; ipinilit ng tindero na tunay iyong balat. Kinusot iyon ng kostumer
at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa. Naubos na ang pasensya ng
tindero. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa
gulo. Walang dahilan para sumangkot. Nang ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng
sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang nagsindi, di niya pinansin ang
lalaki. Wala siyang balak na mapalapit kaninuman. Kailangang mag-ingat kapag
sangkot ang ibang tao.
Siya ang huli sa hanay ng mga
tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas nuwebe na, kalahating oras matapos
magsara ang department store. Madilim ang paradahan, halos walang nagawa ang
mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa
tapat, na binabantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang
ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at panghihinayang sa kanilang
tinig.
“Medyas na nylon, pasara na !
Otsenta sentimos ang isang pares … otsenta sentimos isang pares ! Paubos na ang
medyas na nylon. Huling tawag ! Medyas na nylon …
Dumaan ang kanilang sasakyan sa
gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal
ang isang tindero samantalang ang isa ay nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway
ang isang pares ng medyas na nylon. Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis
na pinalitan ng pambihirang tuwa. Ang kanilang mga tinig – isang mataas, isang
mahina – ay iginala ng hangin sa gabi.
Sa sumunod na araw, nakabenta siya
ng muffler.
Sa ikatlong araw, wala siyang
naitinda.
Sa ikaapat na araw, wala pang
kalahating oras pagkabukas niya ng tindahan, nakapagbenta siya ng kasuotang
pang-army sa apat na karpintero na kababalik lamang sa Beijing mula sa timog.
Pagkagaling sa Estasyon ng Beijing, tumungo sila sa hardware sa tore ng
pamilyang Hu, at nang marating nila ang Silangang-tulay, nagkulay talong ang
kanilang labi dahil sa lamig. Naligtas ang kanilang mga balat ng kasuotang
panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa
kaniyang bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit
nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero. Tiyaga ang susi para sa
isang buhay na matatag. Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang
mawalan ng pag-asa. Mas mabuting maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang
makaaalam kung kalian kakatok ang oportunidad, Hindi naman sa lahat ng
pagkakataon ay malas ka, hindi ba ? Nag-iisip si Huiquan.
Mula sa Raya : Pagbasa at
Pagpapahalagang Pampanitikan
sa Filipino ni Aurelio S.
Agcaoli,2005