Tuesday, September 30, 2014

Aralin 2.3


Pagbibigay Kapangyarihan sa Kababaihang Pilipino sa Pamamagitan ng Estadistikang Kasarian

“Babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa.” Isang pahayag na hinango sa Bibliya at naging panuntunan ng balana dito sa daigdig sa lahat ng panahon.
Lahat ng bagay ay nagbabago kaya nga walang permanente dito sa mundo.
Ang dating kimi at tagasunod lamang ay natutong tumutol laban sa karahasan sapagkat hindi na matanggap ang dinaranas na kaapihan. Kanyang ipinaglaban ang sariling karapatan upang makapagpasiya sa sarili. Lakas-loob din niyang hiningi ang karapatang maisatinig ang matagal nang nahimbing na pagnanasang maging katuwang hindi lamang sa tahanan kundi maging sa paghubog ng lipunan para sa isang maunlad, matahimik at kaaya-ayang kinabukasan.
Sa ngayon, ang mga kababaihan ay unti-unting na ring napahalagahan. Di man ito maituturing na ganap dahil sa patuloy na mga karahasang pantahanan na pawang mga kababaihan ang nagiging biktima, idagdag pa ang sexual harassment na araw-araw ay daing ng mga di-mabilang na kababaihan na nadaragdag sa mga suliraning pambasa.
Ang babae ay katuwang sa pamumuhay. Hindi sila katulong na tagasunod sa lahat ng mga pinag-uutos ng ilang nag-aastang “Panginoon”. Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga pagkakataong dumarating ang mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya.
Marami na ring samahan ang itinatag upang mangalaga at magbigay-proteksyon sa mga kababaihan. Ilan sa mga ito ay Gabriela, Tigil-Bugbog Hotline at marami pang iba. Patuloy ang mga samahang ito sa pakikibaka upang sugpuin nang tuluyan ang patuloy na pagpapakita ng diskriminasyon at sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan. Layunin nilang mabigyan ng edukasyon at magkaroon ng kamulatan ang mga kababaihan sa mga karapatang dapat nilang ipakipaglaban.
Tunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa pagpapaunlad ng bayan sa kinabukasan sa lahat ng panahon.


Saturday, September 27, 2014

Ang Paborito kong guro
       Simula Elementarya hanggang sa pagtungtong ko sa Hayskul, marami na akong nakasalamuhang mga Guro, ang iba ay nakilala ko dahil sa aking mga organisasyong sinalihan at iba naman ay naging patnugot ng aking klase. Ngunit sa lahat ng iyon, may katangi-tanging Guro na tumatak talaga sa akin .
    Siya ay isa sa pinakamatalinong Guro ng Agham sa Mambugan National High School, at kama-kailan ay nakasama sa top-12 Well-Loved Teacher ng taon.
    Siya si Mr. Fernando P. Timbal, gurong taga-patnugot ng 8-Aristotle ngayon at ng 8-Tipulo noong nakaraang taon.
    Sa aming pagsasama, marami siyang naituro sa amin, hindi lamang sa Akademiko ngunit maging sa pagiging isang tao.
    Masungit man siya para sa iba, ngunit sa aming mga naging estudyante niya, siya ay mabait at suportadong Guro. Sinisiguro nya na ang lahat ay nakakasabay sa paraan nya sa pagtuturo. Binibigyan nya ng pagkakataon ang mga tahimik upang makiisa sa Talakayan. Halos lahat ng mga kompetisyong amin sinasalihan, nariyan siya upang suportahan kami at magbigay ng mga possible naming isagawa upang mapaganda ang aming mga gagawin.
    Sa kanyang pagiging Strikto, lahat ay dapat na pumasok ng maaga at magpasa ng mga proyekto sa takdang oras. Minsan kapag kami ay kanyang pinagsasabihan, sasabihin nya na sa mga oras naiyon ay hindi siya galit, upang mapawi lamang ang pagkatakot at pagkalungkot ng lahat.  
    Ang ilang Buwan na aming pagsasama ay lubos na nagb igay sa akin ng mga leksyon, mula sa aking naging pagakakamali na kanyang itinatama. Magsisilbi siyang inspirasyon para sa aming mga estudyante niya, sa aming pag-aaral at pagharap sa bawat problema na dadating pa sa aming buhay.
    Lubos po naming ipinapasalamt na naging bahagi po kayo n gaming buhay, Ginoong Fernando P. Timbal.
Maligayang Araw ng mga Guro po sa inyo.







Friday, September 26, 2014

Dalagang Pilipina

Ang dalagang Pilipina
Parang tala sa umaga
Kung tanawin ay nakaliligaya
May ningning na tangi at dakilang ganda

Bulaklak na tanging marilag
Ang bango ay humahalimuyak
Sa mundo'y dakilang panghiyas
Pang-aliw sa pusong may hirap

Batis ng ligaya at galak
Hantungan ng madlang pangarap
Ganyan ang dalagang Pilipina 
Karapat-dapat sa isang tunay na pagsinta

(Maging sa ugali, maging kumilos, mayumi,
mahinhin, mabini ang lahat ng ayos
Malinis ang puso maging sa pag-irog
may tibay at tining ng loob.





Aralin 2.3

Ang Kababaihan ng Taiwan, ngayon at noong nakaraang 50 taon
isinalin ni seila c. Molina

      Ang bilang ng populasyon ng  kababaihan sa mundo ay 51%  o  2% na mataas kaysa kalalakihan.  Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan.  Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng pantay na karapatan at paggalang tulad sa kalalakihan.  Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay unti- unting nagbabago sa nakalipas na  50 taon.  Ito ay makikita sa dalawang kalagayan : una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang karapatan
at kalagayan.  Nakikita ito sa Taiwan.  Ang unang kalagayan  noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad sa kasambahay o housekeeper.  Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa.  Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
   Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay
lalong naging komplikado.  Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay.  Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan.  Sa madaling salita, dalawang mabibigat
na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.   Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila.  Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng  babae at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas.  Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala.  Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon.  Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.    At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita na rin.  Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan,  ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang.  Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.   Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung ihahambing noon.  Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng pansin.  Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa  lipunan.  Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing lider nito. 
   Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan.   Ito ay matuwid pa rin sa kanila.  Marami pa ring dapat  magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.    



Aralin 2.2

Nagkamali ng utos

      Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
      Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kaniyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang tutubi rin.
      Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kaniyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin.
      Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kaniyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kaniyang nakikita. Totoong naibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maitim na ulap sa papawirin.
      Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.
      “Titigil muna ako sa punongkahoy na ito,” ang sabi sa sarili ng prinsesa.
      Ngunit sa punongkahoy pala naman iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakikisilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa.
      “Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata.” Malakas na na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing.
      Sa laki ng galit ng Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punongkahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kaniyang amang hari. Kaniyang isinumbong kay Haring Tubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng kawal.
      “Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal.     “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na Prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”
      Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga mating ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kaniyang pakay. Malakas na tawanan ng mga matsing ang nagging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.
      “Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!” Muling nagtawanan ang mga matsing. “Nakakatawa , ngunit pagbibigyan naming anginyong hari,” ang sabi ng pinuno. “Ang mga mating laban sa mga tutubi!” Nagtawang muli ang mga matsing.
      “Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.
      “Bukas ng umaga sa gitna ng parang!” ang tugon ng kawal.
      “Magaling! Bukas ng umaga sa gitna ng parang kung gayon,” masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi ng tutubi.
      Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal a tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang nagging katugunan ng mga matsing.
      Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawing sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.
      Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manlilipad na tutubi.
      “Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing.
      Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kaniyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
      Kailangang magbayad ang mga matsing. “Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling luang malinaw at marahan niyang utos.
      Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubat ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matapang din naming sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.
      Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing ang pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kaniyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kayat nang matapos ang labanan nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala, walang sinumang tinamaan sa mga mabilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.

Aralin 2.2

Ang Sutil na Palaka
                                  Isinalin ni Teresita F. Laxima
(Mula sa orihinal na ‘The Green Frog’ isang pabulang Koreano) Noong unang panahon, may isang berdeng palaka na naninirahan sa isang lawa kasama ang inang palaka na isang biyuda.
      May pagkasutil ang berdeng palaka. Hindi niya sinusunod ang mga pangaral ng ina. Kapag may sinabi ang inang palaka, kabaligtaran ang ginagawa ng berdeng palaka. Kapag sinabi ng ina na sa bundok siya maglaro, sa sapa naman siya maglalaro. Kapag sinabi ng ina na umakyat, bababa naman siya. Kapag sinabi ng ina na sa kanan, sa kaliwa siya pupunta.
      Lubhang nababahala ang Inang Palaka sa pagiging sutil ng berdeng palaka. Lagi na lamang kahihiyan ang ibinibigay ng berdeng palaka sa ina.
      “Bakit hindi siya tumulad sa ibang batang palaka na magalang at masunurin” Himutok ng Inang Palaka.
      “Ano na ang mangyayari sa kaniya kapag ako’y nawala na? Matanda na ako at ano mang oras ay maaari akong mamatay? Kailangang gumawa ako ng paraan upang maputol na ang pagiging sutil niya,” sunod-sunod na nausal ng ina sa sarili.
      Araw-araw ay pinangangaralan ng Inang Palaka ang berdeng palaka tungkol sa kabutihang-asal subalit patuloy na binabale-wala ng berdeng palaka ang pangaral ng Inang Palaka. Nagpatuloy pa rin ang berdeng palaka sa pagiging sutil.

      Hanggang sa dumating ang panahon na naramdaman ng Inang Palaka na siya’y mamamatay na. Tinawag niya sa kaniyang tabi ang berdeng palaka at kinausap ito ng masinsinan. Ibig ng Inang Palaka na mailibing siya nang maayos sa bundok. At dahil sa alam niya ang ugali ng berdeng palaka na kabaligtaran ng kaniyang bilin ang gagawin nito, pinili ng Inang Palaka ang mga salitang gagamitin niya sa pagkausap dito. Hindi niya sinabi sa berdeng palaka ang totoong nais niyang mangyari. Sa halip, iniba niya ang bilin sa berdeng palaka.
      “Kapag namatay na ako, ilibinga mo ako sa sapa, huwag mo akong iibing sa bundok,” sunod-sunod na bilin ng ina sa berdeng palaka.
      Nakikinig nang buong kapanglawan ang berdeng palaka sa ina habang ito’y nakayuko.
      “Ipinangangako ko ina, gagawin ko ang bilin mo.” Paniniyak ng berdeng palaka sa ina.
      Pagkaraan ng apat na araw namatay ang Inang Palaka. Ganoon na lamang ang pagsisisi ng berdeng palaka. Alam niya na siya ang dahilan ng maagang kamatayan ng ina.
      “Patawad ina, patawad! Dahil sa pagiging suwail ko, lagi ka na lang nagdaramdam sa akin kaya ka nagkasakit at maagang namatay,” paninisi ng berdeng palaka sa sarili.
      “Susundin ko ina ang bilin mo sa akin na ilibing ka sa pampang ng ilog,” wika ng berdeng palaka.
      At kahit alam ng berdeng palaka na hindi tama na ilibing sa pampang ng ilog ang ina dahil sa mabilis at malakas ang alon, baka maanod ang libingan ng ina at dahil sa ito ang bilin, inilibing niya sa pampang ang namatay naina. Kapag malakas ang ulan, binabantayan niya ang libinga ng ina. Nagdarasal siya ng taimtim na nawa’y huwag lumaki ang alon baka matangay nito ang libingan ng ina.
      Subalit, tulad nang dapat asahan, dumating ang ulang habagat at tumaas at lumaki ang alon, naanod ang libingan ng Inang Palaka.
      Ganoon na lamang ang hagulgol ng berdeng palaka. Naupo ito sa ilalim ng malakas na ulan at doon nagpatuloy sa walang humpay na pag-iyak dahil sa nangyari sa libingan ng ina.
      Ito ang dahilan, ayon sa marami kung bakit tuwing umuulan, umiiyak ang berdeng palaka.



Saturday, September 6, 2014

Aralin 2.2

Isinalin sa Filipino ni Vilma C. Ambat

     Noong unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kaniyang paglilibot, nahulog siya sa napakalalim na hukay. Paulit-ulit na sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit walang nakarinig sa kanya.
     Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos. Gutom na gutom at hapong-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa. Naisip niyang ito na ang kaniyang kamatayan. Walang ano-ano ay nakarinig siya ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad tumayo.
“Tulong! Tulong!” muli niyang isinigaw.
“Ah! isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa hukay.
“Pakiusap! Tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa ng tigre.
“Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay
     Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto sana kitang tulungan subalit nangangamba ako sa maaaring mangyari. Patawad! Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay”, wika ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.
“    Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,” pakiusap ng tigre. “Huwag kang mag-alala, pangako ko hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako. Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”
     Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki upangtulungan ito. Nakahanap siya ng troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa hukay. “Gumapang ka dito,” sabi ng lalaki.
     Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang lalaking tumulong sa kanya. Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.
     “Sandali!” Hindi ba nangako ka sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa tigre
     “Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain nang ilang araw!” tugon ng tigre.
     “Sandali! Sandali!” ang pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino kung tama bang kainin mo ako.”
     “Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na kita. Gutom na gutom na ako.”
Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.
     “Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino.
     “Bakit ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang inyong mga tahanan at maluto ang inyong mga pagkain? Mga taon ang binibilang namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo. Ginagamit ninyo kami sa pagpapatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas na iyan. Utang na loob! Huwag ka nang magdalawang isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.”
     “O, anong masasabi mo doon?” tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan ang lalaki.
     Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka. “Hintay! Hintay!” pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kaniyang hatol.”
     Sumang-ayon ang tigre at ipinaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng dalawa ang opinyon ng baka.
    “Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,” wika ng baka sa tigre. “Dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay maisilangnnaglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila. Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na... pinapatay kami at ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung ano-anong bagay. Kaya huwag mo na akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob. Kainin mo na ang taong iyan.”
   “Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong kamatayan!” wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.
  Alam na ng lalaki na ito na nga ang kaniyang katapusan. Nang biglang dumating ang lumulukso-luksong kuneho.
“Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.
“Ano na naman!” singhal ng tigre.
“Pakiusap, bigyan mo pa ako ng huling pagkakataon.Tanungin natin ang kuneho para sa kaniyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”

“Ah! Walang kuwenta! Alam mong ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng Pino at ng baka.”

“Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.

“O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.
Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari. Matamang nakinig ang kuneho. Ipinikit ang kaniyang mga mata at pinagalaw ang kaniyang mahahabang tainga. Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang inyong isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay ng mahusay na hatol dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari. Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.
Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas”, wika ng kuneho sa tigre at sa lalaki. “Pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan ko pang mabuti ang aking hatol.”
Tumalon agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! ganito ang kalagayan ninyo noon. Ikaw, tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki, narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari na akong magbigay ng aking hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan ng tao ang tigreng makalabas sa hukay”, paliwanag ng kuneho na tila may ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko na magpatuloy ang tao sa kaniyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa!” wika ng matalinong kuneho at nagpatuloy sa kaniyang paglukso.



Friday, September 5, 2014

Aralin 2.1

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG TANKA AT HAIKU
Isinalin sa Filipino ni M.O. Jocson
     
      Sa ilang anyo ng tula, ang Tanka at Haiku ang pinahahalagahan ng panitikang Hapon. Lumaganap ang Tanka noong ikawalong siglo at ang Haiku noong ika-15 siglo. Layunin ng mga tulang ito na pagsama-samahin ang mga ideya at imahe sa pamamagitan ng kakaunting salita lamang.

     Ang pinakaunang Tanka ay nasa kalipunan ng mga tula na tinawag na Manyoshu o Collection of Ten Thousand Leaves, isang antolohiya na naglalaman ng iba’t ibang anyo ng tula na karaniwang binibigkas at inaawit ng nakararami.

     Sa panahong lumabas ang Manyoshu, kumawala sa makapangyarihang impluwensiya ng sinaunang panitikang Tsino ang mga manunulat ng Hapon. Ang mga unang makatang Hapon ay sumusulat sa wikang Tsino sapagkat eksklusibo lamang ang wikang Hapon sa pagsasalita at wala pang sistema ng pagsulat. Sa pagitan ng ikalima hanggang ikawalo siglo, isang sistema ng pagsulat ng Hapon ang nilinang na mula sa karakter ng pagsulat sa Tsina upang ilarawan ang tunog ng karakter ng Hapon. Tinawag na Kana ang ponemikong karakter na ito na ang ibig sabihin ay “hiram na mga pangalan”.

     Noong panahong nakumpleto na ang Manyoshu, nagsimulang pahalagahan ng mga makatang Hapon ang wika nila sa pamamagitan ng madamdaming pagpapahayag. Kung historikal ang pagbabatayan, ipinahahayag ng mga Hapon na ang Manyoshu ang simula ng panitikan nilang nakasulat na matatawag nilang sariling-sarili nila.

     Maiikling awitin ang ibig sabihin ng Tanka na puno ng damdamin. Bawat Tanka ay nagpapahayag ng emosyon o kaisipan. Karaniwang paksa naman ang pagbabago, pag-iisa, o pag-ibig. Tatlumpu’t isa ang tiyak na bilang ng pantig na may limang taludtod ang tradisyunal na Tanka. Tatlo sa mga taludtod ay may tigpitong bilang ng pantig samantalang tiglimang pantig naman ang dalawang taludtod. Nagiging daan ang Tanka upang magpahayag ng damdamin sa isa’t isa ang nagmamahalan (lalaki at babae). Ginagamit din sa paglalaro ng aristocrats ang Tanka, kung saan lilikha ng tatlong taludtod at dudugtungan naman ng ibang tao ng dalawang taludtod upang mabuo ang isang Tanka. Gaya nga nang naipahayag na sa unang bahagi ng tekstong ito, noong ika-15 siglo, isinilang ang bagong anyo ng pagbuo ng tula ng mga Hapon. Ang bagong anyo ng tula ay tinawag na Haiku.

     Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas lumaganap nang lubos ang Haiku. Binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludturan. Ang pinakamahalaga sa Haiku ay ang pagbigkas ng taludtod na may wastong antala o paghinto. Kiru ang tawag dito o sa Ingles ay cutting. Ang kiru ay kahawig ng sesura sa ating panulaan. Ang Kireji naman ang salitang paghihintuan o “cutting word”. Ito ay kadalasang matatagpuan sa dulo ng isa sa huling tatlong parirala ng bawat berso. Ang kinalalagyan ng salitang pinaghintuan ay maaaring makapagpahiwatig ng saglit na paghinto sa daloy ng kaisipan upang makapagbigay-daan na mapag-isipan ang kaugnayan ng naunang berso sa sinundang berso.

     Maaari rin namang makapagbigay - daan ito sa marangal na pagwawakas. Ang mga salita na ginagamit ay maaaring sagisag ng isang kaisipan. Halimbawa ang salitang kawazu ay “palaka” na nagpapahiwatig ng tagsibol. Ang higure naman ay “unang ulan sa pagsisimula ng taglamig”. Mahalagang maunawaan ng babasa ng Haiku at Tanka ang kultura at paniniwala ng mga Hapon upang lubos na mahalaw ang mensaheng nakapaloob sa tula.

Tanka at Haiku

Magkaibang uri ng panulaan ang Tanka at Haiku, bagama't nagsimula ang mga ito sa bansang Hapon. Mayroon itong kaniya-kaniyang katangian ng pagiging magkaiba.

Ang Tanka, isang uri ng tula na maaaring awitin ay  may kabuuang tatlumpu't isang pantig na may limang taludtod. Ang hati ng pantig sa mga taludtod ay 7-7-7-5-5, 5-7-7-7-5 o maaaring magpalit-palit nang nananatili ang kabuuang bilang ng pantig na tatlumpu't isa.

Ang Haiku naman ay higit na maikli sa Tanka. Binubuo ito ng tatlong taludtod na may bilang ng pantig na 5-7-5 o maaaring magkapalit-palit nang di nababago ang kabuuang bilang ng mga pantig na labimpito.

Tungkol sa kalikasan at pag-ibig ang paksa ng Haiku at pagbabago, pag-iisa at pag-ibig naman ang karaniwang paksa ng Tanka.


Tayo naman sa Pilipinas ay may Tanaga, isang uri ng sinaunang tula na nagpapahayag ng kaisipan at binubuo ng apat na taludtod na may tigpipitong pantig sa bawat taludtod, may tugma at puno ng talinghaga. Namalasak ito  noong panahon ng pananakop ng mga Hapones.


Aralin 2.2

Kaligirang Pangkasaysayan ng Pabula sa Korea

       Ang mga hayop ay hindi lamang mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginampanan ng mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan.
      Ayon sa kanilang paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnais maging tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin ( diyos ng kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa. Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100 araw ay may isang napakagandang babae ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kaniyang itsura at kinausap muli si Hwanin . Nagpasalamat siya sa
      diyos at muling humiling na sana ay magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kaniyang anak na si Hwanung ( anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal sa babae. Sila’y nagkaanak at pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang iba’t ibang dynasty sa Korea.
Ano ang pabula?
      Ang pabula ay isa sa mga sinaunang panitikan sa daigdig. Noong ikalima at ikaanim na siglo bago si Kristo, may itinuring nang pabula ang mga taga-India. Ang karaniwang paksa ng mga pabula ay tungkol sa buhay ng itinuturing na dakilang tao ng mga sinaunang Hindu, si Kasyapa.
      Lalong napatanyag ang mga ganitong kuwento sa Gresya. Si Aesop ang tinaguriang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” dahil sa napabantog niyang aklat, ang Aesop’s Fable.
      Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. Karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayundin ang magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Ang ahas halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong, makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing, isang tuso.
      Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan. Sa mga bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw.
      Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.